Hamon ni Trillanes na comprehensive drug test, tinanggap ni Paolo Duterte

share it with everyone
Share on Facebook0Tweet about this on Twitter

Tinanggap na ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ang hamon sa kaniya ni Sen. Antonio Trillanes IV na sumailalim sa isang comprehensive drug test. Una nang sinabi ni Trillanes na mistula umano siyang pinaringgan ni Duterte nang sabihin nito na isang senador ang gumagamit ng cocaine kaya hinamon niya ito na magpa-drug test.

Bukod dito, hinimok rin niya ang bise alkalde na pangalanan ang sinasabing senador kaysa magbigay lang ng “blind item.”

Sa inilabas na pahayag ng Davao City Information Office, pinalawig pa ni Duterte ang hamon at sinabing dapat sumailalim rin ang lahat ng mga senador sa comprehensive drug test.

Ginagawa na rin naman aniya kasi ito ng karamihan sa mga kawani ng gobyerno bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.

paolo duterte

Ani Duterte, kung nagpapa-drug test nga ang mga empleyadong rank and file lang, dapat mas handa itong gawin ng mga halal na opisyal.

Bagaman nakatitiyak aniya siya na minsan nang nag-pasa ng resulta ng simpleng drug test ang mga ito noon, dapat sumailalim ang mga ito sa mas mabusising paraan dahil hindi lang naman sa ihi nade-detect ang iligal na droga kundi pati sa mga hibla ng buhok.

Paliwanag niya pa, kung hibla ng buhok ang gagamitin, kaya nang ma-detect dito ang pitong iligal na droga tulad ng cocaine, opiates, methemphetamine o shabu, marijuana, ketamine at benzodiazepine kahit pa ilang taon na ang nakalipas nang gamitin ito ng isang tao.

Dati na ring nagpa-drug test si Duterte na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), pero negatibo naman ang naging resulta nito.

share it with everyone
Share on Facebook0Tweet about this on Twitter

Comments

comments

Loading...